Monday, November 14, 2011

Engrandeng Pagtatapos Ng Buwan Santo Rosaryo


Santo Rosaryo mula sa mga ilaw ng kandila sa Patio.
Naging engrande ang isinagawang pagtatapos ng Buwan Ng Santo Rosaryo kung saan higit na dumami ang bilang ng mga Ibaeno na nakilahok sa pagdiriwang nito, October 30.

Matapos ang isang Banal na Misa, mula sa simbahan, muling nagkaroon isang maikling prusisyon na umikot sa Poblacion. At muli, pangunahing itinanghal dito ang imahe ng Mahal Na Birhen ng Manaoag. Dinala din ng ilang barangay at pribadong indibidwal ang kanilang mga imahe ng Mahal Na Birhen.

Matapos ang prusisyon na dumiretso sa patio ng Parokya Ni Santiago, dinasal ng lahat ang Santo Rosaryo na sinundan ng pagbabasbas ng lahat ng mga nagprusisyon at mga imahe ng Mahal Na Birhen Maria, kalakip ang pagsusumamo upang patuloy ng gabayan at protektahan ang bayan ng Ibaan.

Sa pagtatapos ng Buwan Ng Santo Rosaryo, muling pinangunahan ng Joseph Marello Youth (JMY) ang pagbuo ng isang higanteng Santo Rosaryo gamit ang mga kandila at apoy nito. Sinisimbolo nito ang patuloy na pag-aalab ng pagmamahal at paggalang sa Mahal Na Birhen Maria ng bawat mamamayan sa bayan ng Ibaan.

At bilang bahagi ng selebrasyon, buo ang kasiyahan na nagpamalas ng animation at sayaw ang JMY sa harap ng mga mananampalataya, bilang papuri pa rin at pasasalamat. Sa kanilang presentasyon, ipinakita dito na buhay sa puso ng mga kabataan ang isang tradisyon ng pagmamahal sa Mahal Na Birhen Maria na magpapatuloy hanggang sa mga susunod pa na henerasyon sa Ibaan.






No comments:

Post a Comment