Monday, November 28, 2011

Seminar Para Sa Ninong/Ninang Sa Kumpil, Patuloy

Seminar para sa mga Ninong at Ninang sa kumpil.
Patuloy na isinasagawa ng Parokya ang seminar para sa mga nagnanais o tatayong ninong at ninang para sa Kumpilang Bayan na gaganapin sa ika-10 ng Disyembre 2011.

Layunin ng nasabing seminar ang maipaalala sa mga ninong at ninang ang kanilang tungkulin sa kanilang mga "inaanak". Bukod sa pagiging ikalawang ama o ina nga kukumpilan, obligasyon din umano nila na gabayan ang mga bata para sa isang matuwid at may takot sa Diyos na pamumuhay.

Ang seminar ay isinagawa sa Saint James Formation Center, tuwing ika-8 ng umaga at ika-1 ng hapon, araw ng Sabado. Nauna nang nagkaroon ng seminar noong November 19, 26 at December 3. Gaganapin ang huling seminar sa December 9, 2011.

Ang mga kukumpilan sa Kumpilang Bayan ay ang mga Grade VI students mula sa mga sumusunod na paaralan:

Sto. Nino Elementary School
Tulay Elementary School
Panghayaan Elementary School
Mabalor Memorial Elementary School
Sabang Elementary School
Ibaan Central School
Lucsuhin Elementary School

Kasama na rin sa mga kukumpilan ang mga "out-of-school-youth".

Upang makwalipika naman para sa kumpil, kinakailangan magsumite ang bata ng ilang mga papel at dokyumento sa Ibaan Parish Office. Kasama dito ang (1) xerox copy ng partida ng binyag (baptismal certificate, (2) nasa 12 taong gulang o Grade VI, (3) Katoliko, (4) seminar at kumpisal, (5) mayroong kumpil at binyag ang mga ninong at ninang. Kwalipikado naman na maging ninong/ninang na nasa edad 16 pataas.

Para naman sa mga ninong/ninang, narito ang ilan sa mga paalala.

1. Para po sa mga ninong/ninang na nakapag-seminar na at may ID na, makipag-ugnayan po sa mga Katekista para sa renewal ng ID at magdala ng photocopy ng Partida ng inyong pinagkumpilan (confirmation certificate). Hindi na po kailangan ang muling mag-seminar.

2. Ang mga ninong/ninang na magseseminar pa ay kailangang magdala ng 1x1 ID picture at Php 50.00 bilang kabayaran sa ID. Kailangan din dalhin ang kopya ng Partida ng inyong pinag-kumpilan (confirmation certificate).

3. Ang mga ninong/ninang na hindi makakadalo sa nasabing seminar ay hindi maaring mag-anak sa kumpil. Bawal po ang proxy sa seminar.

Para po karagdagang impormasyon at katanungan, maari po kayong makipag-ugnayan sa mga Katekista o sa
opisina ng Parokya.



Monday, November 14, 2011

Engrandeng Pagtatapos Ng Buwan Santo Rosaryo


Santo Rosaryo mula sa mga ilaw ng kandila sa Patio.
Naging engrande ang isinagawang pagtatapos ng Buwan Ng Santo Rosaryo kung saan higit na dumami ang bilang ng mga Ibaeno na nakilahok sa pagdiriwang nito, October 30.

Matapos ang isang Banal na Misa, mula sa simbahan, muling nagkaroon isang maikling prusisyon na umikot sa Poblacion. At muli, pangunahing itinanghal dito ang imahe ng Mahal Na Birhen ng Manaoag. Dinala din ng ilang barangay at pribadong indibidwal ang kanilang mga imahe ng Mahal Na Birhen.

Matapos ang prusisyon na dumiretso sa patio ng Parokya Ni Santiago, dinasal ng lahat ang Santo Rosaryo na sinundan ng pagbabasbas ng lahat ng mga nagprusisyon at mga imahe ng Mahal Na Birhen Maria, kalakip ang pagsusumamo upang patuloy ng gabayan at protektahan ang bayan ng Ibaan.

Sa pagtatapos ng Buwan Ng Santo Rosaryo, muling pinangunahan ng Joseph Marello Youth (JMY) ang pagbuo ng isang higanteng Santo Rosaryo gamit ang mga kandila at apoy nito. Sinisimbolo nito ang patuloy na pag-aalab ng pagmamahal at paggalang sa Mahal Na Birhen Maria ng bawat mamamayan sa bayan ng Ibaan.

At bilang bahagi ng selebrasyon, buo ang kasiyahan na nagpamalas ng animation at sayaw ang JMY sa harap ng mga mananampalataya, bilang papuri pa rin at pasasalamat. Sa kanilang presentasyon, ipinakita dito na buhay sa puso ng mga kabataan ang isang tradisyon ng pagmamahal sa Mahal Na Birhen Maria na magpapatuloy hanggang sa mga susunod pa na henerasyon sa Ibaan.






JMY, Nagsagawa Ng Marian Exhibit


Exhibit ng iba't ibang imahe ng Mahal na Birhen Maria.
Bilang bahagi ng selebrasyon ng Buwan ng Santo Rosary (Month of the Holy Rosary), pinsinayaan noong October 1 ang isang Marian Exhibit na isinagawa ng Joseph Marello Youth (JMY), ang pangunahing organisasyon ng binubuo ng iba’t ibang grupo ng kabataan sa Parokya ng Ibaan.

Bago pa man ito, nagkaroon muna ng prusisyon sa karangalan ng Mahal na Birhen Maria, September 30 ng hapon. Nagsimula ang prusiyon sa tahanan ng Punong Bayan ng Ibaan na si Danny Toreja. Matatandaan na nag-donate  ang pamilya Toreja sa Parokya ng isang bago at malaking imahe ng Our Lady of Manaog na nililok pa sa Bataan sa loob ng ilang buwan. Ang nasabing imahe ang siyang pangunahing itinanghal sa nasabing prusisyon, kasama ang iba pang mga imahe ng Mahal na Birhen Maria na dala-dala ng mga partisipante sa prusisyon.

Matapos ang prusisyon, nagkaroon ng pagbabasbas ng mga imahe sa pangunguna ni Fr. Arnel Hosena at iba pang mga pari sa Parokya ni Santiago. Sinundan naman ito ng pagdarasal ng Santo Rosaryo.

Sa pamamagitan ng Joseph Marello Youth, isinagawa ang isang animation. Gamit ang mga kandila, inihilera ang mga ito sa harapan ng simbahan upang makabuo ng imahe ng isang higanteng Santo Rosaryo. At sa pagtatapos ng pagdarasal ng Santo Rosaryo, naghandog naman ng ilang mga sayaw ang mga kabataan bilang papuri at parangal sa Mahal Na Birhen Maria.

Kinabukasan, October 1, opisyal na ngang pinasinayaan at binuksan sa publiko ang Marian Exhibit. Itinampok dito ang may halos 80 imahe ng Mahal Na Birhen Maria mula sa chapel ng iba’t ibang barangay. Nakibahagi din ang mga pribadong indibidwal na nagpahiram ng kanilang mga imahe. Isinama na rin nasabing exhibit ang mga larawan ng Mahal Na Birhen Maria na kinikilala sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Ganun din, ipinakita rin sa exhibit ang ilan sa mga kagamitan tulad ng mga damit o kapa na ginagamit ng mga imahe sa tuwing magkakaroon ng mga oksayon ang simbahan.

Imahe ng Birhen ng Manaoag.

Lubos naman ang pagkamangha ng mga Ibaeno na bumisita sa Marian Exhibit. Para sa kanila, isa itong pambihirang pagkakataon na makita at matunghayan ang napakaraming imahe ng Mahal Na Birhen Maria sa bayan ng Ibaan. Isa na rin umano itong pagkakataon upang magpasalamat sa mga biyaya at paggabay na ibinigay ng Mahal Na Birhen Maria. At maging sila ay umaasa na muling matunghayan ang exhibit sa susunod na taon. Lubos din ang pasasalamat ng mga Ibaeno sa mga kabataan na bumubuo ng Joseph Marello Youth na nag-organisa ng Marian Exhibit.

Natapos ang nasabing exhibit kinahapunan noong araw ding iyon. At bago pa man ibalik ang imahe, muli itong binasbasan ni Fr. Rex Alday. Ang imahe naman ng Mahal Na Birhen Ng Manaog ay dinala sa loob na simbahan upang matunghayan na mas nakararami.